
MATAPOS ang pananalasa ng bagyong Nando, tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) ang ikinasang “contingency measures” sa hangaring maibsan ang epekto ng masamang panahon.
Ayon kay Claire Ann Feliciano ng tumatayong punong-abala ng Public Information Office ng pinakamalaking utility company sa bansa, nakaantabay na ang Meralco sa mga lugar na saklaw ng bagsik ng tinaguriang super typhoon.
Paliwanag ni Feliciano, nakatutok ang kumpanya sa lagay ng panahon, higit lalo sa mga lugar kung saan nakataas ang tropical cyclone warning signal.
Aniya, bente-kwatro oras na nakaantabay ang mga Meralco personnel para sa agarang pagtugon sa mga lugar na posibleng makaranas ng power outage.
Hinikayat din ni Meralco Vice President at Head Corporate Communication Joel Zaldarriaga ang publiko na maging mapagmatyag lalo na sa mga residenteng nakatira sa flood-prone areas, kasabay ng hiling na palaging unahin ang kaligtasan.
Paalala ni Zaldarriaga, patayin ang main power switch o circuit breaker bago pa man tuluyang bumaha. Dapat din aniyang hugutin sa saksakan ang lahat ng appliances.
Kung maari, iminungkahi rin ng corporate executive tanggalin ang mga bombilya. Linisin ang putik at dumi sa mga kagamitang elektrikal gamit ang rubber gloves at sapatos na may rubber soles.
Siguraduhin tuyo ang lahat ng kable, saksakan, at kagamitang elektrikal bago gamitin. Ipa-inspeksyon sa lisensyadong electrician ang mga appliances at wiring system bago muling gamitin — at huwag gamitin ang mga kagamitang elektrikal na nasira ng baha. (EDWIN MORENO)