
NAGLAKAS loob na nga magbunyag ng mga mali sa lipunan, kulungan pa ang kahahantungan? Ito ang karaniwang sentimyento ng mga mamamahayag matapos sampahan ng kasong libelo kaugnay ng trabaho.
Gayunpaman, nakasilip ng pag-asa ang hanay ng mga peryodista makaraang maghain ng isang panukalang batas si Sen. Jinggoy Estrada na nagsusulong na patawan na lang ng multa ang mga mamamahayag na napatunayang nagkasala sa kasong libelo – sa halip na sintensyang kulang sa pambansang piitan.
Sa ilalim ng isinusulong na Senate Bill 2521, target ni Estrada ang pagpataw ng P5,000 hanggang P30,000 na multa para sa mga mamamahayag, kompanya ng media o sinumang mapatutunayan na nagkasala sa kasong libelo.
Ani Estrada, mas makatarungan na pagbayarin na lamang ng multa ang sinumang hinatulan ng korte na nagkasala sa kasong libelo kumpara sa pagpapakulong sa mga ito.
“Bagama’t karapatan ng bawat indibiduwal ang maproteksyonan kontra sa iresponsableng pag-uulat o komentaryo, sa aking pananaw, hindi isang makatarungang parusa ang kulong para rito. Ang mga pinsalang sibil ay maaaring sapat na parusa at dahilan para pigilin ang komisyon ng libelo,” saad sa isang bahagi ng panukala.
“Hindi nakakatulong na habang inaatake ang mga mamamahayag, ang ating domestic legal framework ay nagdudulot ng isa pang seryosong banta – ang pagkakakulong dahil sa libel, na sa kasalukuyan ay itinuturing na isang krimen,” aniya pa.
Sa ilalim ng Article 353 ng Revised Penal Code, isang krimen na may karampatang parusang kulong ang kasong libelo.