NANGANGAMOY sibakan sa hanay ng mga tauhan ni Senador Robin Padilla, matapos tukuyin ng isang empleyado ang “laos na artistang” nag-tsongki sa loob mismo ng senado.
Partikular na tinukoy ng isang empleyado sa tanggapan ni Senador Ping Lacson si Nadia Montenegro sa opisyal na incident report ng Office of the Sergeant-at-Arms.
Ayon sa ulat ni Senate Security Officer Victor Patelo, dalawang beses naitala ang insidente ng matapang at kakaibang amoy mula sa ladies’ comfort room malapit sa opisina ng mga senador.
Ang unang insidente ay noong ikalawang linggo ng Hulyo bandang alas 5:00 ng hapon, matapos makatanggap ng tawag mula sa isang male staff. Sa isinagawang inspeksyon, nakumpirma ang amoy ngunit walang inabutan sa loob ng palikuran para sa mga babae.
Noong Agosto 12, nagsumbong naman ang staff ni Lacson sa umano’y pag-alingasaw na marijuana mula sa nasabing comfort room, kung saan tanging si Montenegro lang sinasabing nasa loob.
Itinanggi ni Montenegro ang paninigarilyo o paggamit ng marijuana sa comfort room, ngunit inaming may vape sa kanyang bag na aniya’y maaaring pinagmulan ng amoy.
Wala pang pahayag si Padilla sa pagkadawit ng kapwa artista.
