PARA sa pamunuan ng Kamara, malaking bentahe sa mga taong may kapansanan ang implementasyon ng Unified PWD ID System.
Gayunpaman, nanindigan si House Speaker Martin Romualdez na hindi magiging ganap ang tagumpay ng programa kung walang suporta mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Paliwanag ng lider-kongresista, kailangan ng pamahalaan ang aktibong katuwang para manatili ang integridad ng programa.
Pinuri rin Speaker Romualdez ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pilot implementation sa 35 lugar sa buong bansa, kabilang ang San Miguel, Bulacan.
Ayon sa lider ng Kamara, ang unified identification system para sa mga persons with disabilities (PWD) ay isang mahalagang hakbang tungo sa dangal, katarungan, at serbisyo para sa isa sa mga bulnerableng sektor ng lipunan.
Dagdag pa ni Romualdez na pangunahing may-akda ng House Bill No. 16 na naglalayong palawakin ang diskwento para sa mga senior citizen at PWDs, na ang nasabing programa ng DSWD ay patunay sa taos-pusong hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pangalagaan at isulong ang kapakanan ng mga sektor na higit na nangangailangan ng tulong mula sa pamahalaan.
“This unified ID will make life easier for our PWDs by ensuring that services and benefits reach them without delay, confusion, or unfair treatment. At the same time, it is a strong response to the long-standing abuse of fraudulent PWD IDs that hurt businesses and cast doubt on legitimate beneficiaries,” wika ni Romualdez.
“Sa inisyatibong ito ng DSWD at ng National Council on Disability Affairs, matitigil na ang pagnanakaw at pagsasamantala ng ilan sa mga karapatan at benepisyo na nakalaan para sa ating mga kababayang may kapansanan,” sambit din niya.
Nabatid na layunin ng unified PWD ID system na ganap na wakasan ang paggamit ng pekeng ID at maibalik ang tiwala ng publiko sa mga benepisyong itinakda ng batas.
Nasa mahigit 200,000 PWDs ang makikinabang sa pilot rollout. Inaasahan naman aabot sa dalawang milyong “physically impaired” mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang makikinabang sa naturang programa.
Bukod sa Bulacan, ilulunsad din ngayong linggo ang programa sa Pasay City, Muntinlupa City, at Santa Rosa City, Laguna. Kabilang din sa 35 lokal na pamahalaan na sakop ng pilot run ang mga lugar sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Pangasinan, Nueva Vizcaya, Rizal, Cavite, Camarines Norte, Aklan, Bohol, Bukidnon, at South Cotabato.
Matatandaan na unang kinondena ni Romualdez ang laganap na pang-aabuso at paggamit ng pekeng PWD ID, na aniya’y nagdudulot ng pagkalugi sa mga negosyo at nagiging sanhi upang kuwestiyunin at pagdudahan ang mga lehitimong PWDs.
Noong Hunyo, kasama sina Tingog Partylist Reps. Andrew Julian Romualdez at Jude Acidre, inihain ng lider ng Kamara ang HB 16 para masigurong maibibigay pa rin ang mga promotional discount ng mga negosyo bukod sa kasalukuyang 20% diskwento at 12% VAT exemption para sa mga senior citizen at PWDs.
Sa paglulunsad ng unified ID, nanawagan naman ang House Speaker sa mga negosyo, LGU, at mamamayan na maging aktibong katuwang sa pagpapanatili ng integridad ng sistema.
“The DSWD worked hard to make this system as fool-proof as possible. But we must all remain vigilant. Let’s verify IDs, report abuses, and keep improving the system so it truly serves those who need it,” ayon sa pinuno ng Kamara.
Tiniyak din ni Romualdez na patuloy na isusulong ng Kongreso ang mga panukalang batas para sa kapakanan ng PWDs.
“Katuwang din natin ang ating mga PWD sa pagbuo at pagsulong ng ating minamahal na bansa. Nararapat lamang na ibigay sa kanila ang mga benepisyong itinakda ng batas,” dagdag ni Romualdez kasabay ng pagbibigay-diin na higit pa sa modernisasyon ng teknolohiya ang proyekto.
“The unified PWD ID system is not just digitalization at work — it is compassion, recognition, and justice made real for our PWDs.” Wakas na pahayag niya. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
