
SA huling araw ng takdang panahon para sa paghahain ng kandidatura, nabulaga ang Commission on Elections (Comelec) matapos makatanggap ng Certificate of Candidacy (COC) para senador mula kina Pastor Apollo Quiboloy at komedyanteng si Willie Revillame.
Ayon kay Director Rex Laudiangco na tumatayong tagapagsalita ng Comelec, naghain COC ang kampo ni Quiboloy sa posisyon ng senador para sa 2025 senatorial race. Isang abogado sa pangalang Mark Tolentino ang kumakatawan sa detenidong pastor na higit na kilalang malapit kay former President Rodrigo Duterte.
Tatakbo si Quiboloy sa ilalim ng Workers’ and Peasants’ Party.
Bukod kay Quiboloy, naghain din ng kanyang kandidatura para maging senador si Willie Revillame na dati nang hinimok pasukin ang pulitika.
Taong 2021 nang tablahin ni Revillame ang alok ni Duterte na tumakbong sa ilalim na senatorial slate ng dating administrasyon.
Kabilang sa plataporma na inilatag ng komedyante ay ang pagdagdag ng diskwento sa mga senior citizen at ang pagbibigay ng sapat na pagkain sa mga mahihirap.
Sa isang pahayag, iginiit ng abogadong kinatawan ni Quiboloy na karapatan ng bawat Pilipino ang paglahok sa halalan.
“Religious freedom is inviolable. Kailangan ang government po natin should secure the holy grounds against state forces. Pastor Quiboloy will be the senator ng mahihirap, senador ng mga ordinaryong Pilipino, senador ng mga manggagawa.”
Kasalukuyang nakapiit si Quiboloy ay kasalukuyang nakadetine sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center bunsod ng mga kasong human trafficking at sexual abuse na nakabinbin sa husgado.
Taong 2021 nang sampahan ng kaso ng US Department of Justice (DOJ) si Quiboloy ng sex trafficking of children, fraud and coercion at bulk cash smuggling.
Ayon sa US Federal Bureau of Investigation (FBI), dinadala ni Quiboloy ang mga bata at kababaihan patungong Estados Unidos at pwersahang pinag sosolicit para sa bogus charity programs ng sekta.
Sa mga nakalipas na pagdinig ng senado, ibinunyag ang di umano’y panghahalay ni Quiboloy sa mga babaeng miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Setyembre 9 ng kasalukuyang taon nang tuluyang makubkob si Quiboloy sa KOJC Compound sa Davao City matapos ang tatlong linggong operasyon ng pulisya.