HINDI na kailangan pang hintayin ni dating Bamban Mayor Alice Guo ang araw ng paglaya bago makatagpo ng forever.
Sa desisyon ng Pasig Regional Trial Court Branch 167, hinatulang guilty si Guo sa kasong qualified human trafficking.
Ang hatol ng husgado — habambuhay na pagkakakulong, bagay na kinumpirma naman ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Bukod kay Guo, guilty rin ang hatol sa mga kapwa akusadong sina Rachelle Malonzo Carreon, Jaimie Lynn Cruz, at Walter Wong Rong na pawang napatunayan sangkot sa ilegal na operasyon ng POGO sa Tarlac.
Bahagi rin ng desisyon ng korte ang pagpapataw ng multang P2 milyon sa bawat isang akusado.
Bagamat wala sa loob ng husgado si Guo, pinahintulutan ng huwes ang pagdalo ng dating alkalde sa promulgation sa pamamagitan ng online teleconference.
Nag-ugat ang kaso matapos salakayin ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang illegal POGO hub na ilang metro lang ang layo mula sa munisipyo ng Bamban kung saan nag-oopisina ang noo’y mayor ng nasabing bayan.
Lumabas sa imbestigasyon na pag-aari ni Guo ang establisyemento kung saan hindi bababa sa 800 tao — kabilang ang mga dayuhan – nasagip sa operasyon ng PAOCC.
