MATINDING depresyon na dulot na pamba-bash sa social media ang sinisilip na dahilan sa likod ng pagpapatiwakal ng dating nobyo ng Vivamax star na si Gina Calvo Lima na yumao kamakailan lang.
Sa ulat ni Lt. Col. Jose Luis Aguirre na tumatayong hepe ng Quezon City Police District La Loma Police Station, kinilala ang 24-anyos na biktima sa pangalang Ivan Cezar Ronquillo na higit na kilala bilang isang social media influencer.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 7:20 ng umaga nang tumambad ang biktimang nakabigti sa gawing hagdan ng inuupahang apartment sa kahabaan ng Old Samson Road sa Barangay Apolonio ng nasabing lungsod.
“Nagbigti po siya ayon sa report dito sa amin. Dinala po siya sa QC General Hospital but he was declared dead after doctors tried to revive him,” ayon kay Aguirre.
Araw ng Linggo nang isugod sa pagamutan ni Ronquillo ang nobyang si Gina Calvo Lima, matapos hindi na magising sa pagkakahimbing. Sa pagsusuri ng mga eksperto, namatay si Guina bunsod ng cardio-respiratory distress.
Matapos ang nasabing insidente, sinisi naman si Ronquillo sa pagyao nhg nobyang artista.
Gayunpaman, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya matapos makarekober ng kahina-hinalang kapsula, tabletas at kush marijuana sa bahay ni Ronquillo kung saan huling nakitang buhay si Gina.
