
PARA sa Santo Papa, walang puwang ang pagkabagot sa gitna ng isang misa. Kaya naman para tiyakin ang pakikinig ng mga Katolikong nasa loob ng simbahan, inatasan ni Pope Francis ang mga pari na limitahan ang sermon (homily) hanggang walong minuto lang sa tuwing may misa.
Sa kalatas ng Vatican City sa Roma, binigyang-pansin ang halos kalahating oras na sermon na para naman kay Pope Francis ay sadyang nakakabagot – kung hindi man nakakaantok sa hanay ng mga parokyanong Katoliko.
Ayon sa Santo Papa, karaniwang nagsisimula ang paghihikab sa gitna ng misa kung masyadong mahaba at homiliya.
Para kay Pope Francis, pwede naman maging siksik ang aral sa likod ng homiliya kung taimtim sa damdamin ng pari ang mensaheng nais ihayag sa mga sumasampalataya.
Payo ng Santo Papa, haluan ng biro ang sermon para magising ang diwa ng mga tao sa loob ng simbahan.
Taong 2018, naglabas na rin ng kalatas ang Vatican City kaugnay ng masyadong mahabang sermon sa misa.