SA laki ng populasyon sa mga piitan, hindi maiwasan ng pamahalaan ang malaking gastusin sa mga kulungan. Pero may solusyon ang Bureau of Corrections (BuCor) — ang paggamit ng solar energy para makatipid sa buwanang bayarin.
Sa isang Memorandum of Understanding na nilagdaan sa pagitan ng BuCor at BDLS Core Energy and Construction Solutions, nakatakdang magsagawa ng feasibility study sa paggamit ng solar power at iba pang renewable energy sa mga pasilidad ng kawanihan.
Sa datos ng BuCor, umaabot sa P162 milyon kada taon ang binabayaran ng ahensya sa kinonsumong kuryente ng mga piitan. Pinakamalaki ang gastusin sa buwanang konsumo ng kuryente ang New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City at ang Correctional Institution for Women sa Mandaluyong na may pinagsamang bayaring umabot sa P102 milyon.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., layon ng kawanihan mabawasan ang gastusin at mapalakas ang energy independence ng mga pasilidad.
Paglilinaw ni Catapang, gagawin ng BDLS ang pag-aaral nang walang gastos sa gobyerno, habang magbibigay ng access ang BuCor sa mga pasilidad. (JULIET PACOT)
