
NANINDIGAN si House Speaker Faustino Dy III na hindi pababayaan ng Kamara ang mga nasa sektor ng agrikultura.
Bilang patunay, tiniyak na Dy na mananatiling bukas ang Kamara — partikular ang Office of the Speaker para pakinggan ang tinig ng mga magsasaka at iba pang nabibilang sa tinaguriang marginalized sector.
Ginawa ng lider ng Kamara ang pahayag sa courtesy call ng mga magsasaka – sa pamumuno ni former Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano — mula sa lalawigan ng Nueva Ecija, Pangasinan at Isabela.
Kabilang sa mga tinalakay sa harapan ni Dy at mga magsasaka ang mga mungkahi para sa pagpapabuti ng crop insurance at livelihood support programs ng pamahalaan.
Binigyan-diin ni Dy na bilang kinatawan ng ika anim na distrito ng Isabela at naging gobernador din sa probinsyang agrikultura ang pangunahing kabuhayan, ay mayroon siyang malalim na pagrespeto sa mga magsasaka.
“Ang bumubuhay at sigla ng probinsya ng Isabela ay ang ating masisipag na magsasaka. Kaya mataas po ang aming respeto at pagkilala sa kanila. Lagi naming tinutugunan ang kanilang pangangailangan at hamon—mula sa lupa, tubig, hanggang sa kabuhayan,” ayon sa House Speaker.
Bilang tugon, sinuportahan ng mga magsasaka ang mungkahi ni Dy na ibalik ang pagpapataw ng 35% (mula sa umiiral na 15%) na buwis sa imported rice para na rin protektahan ang hanay ng local producers.
Ibinahagi ng Isabela lawmaker ang kanyang mungkahing muling pag-aralan ang Republic Act No. 11203, o ang Rice Tariffication Law, partikular ang masigurong maitataguyod nito ang interes ng local farmers.
“Dapat po nating talakayin at i-revisit nang mabuti ang batas. Aang gusto po namin, maibalik ang kontrol ng importasyon sa Department of Agriculture, at bigyan ng prayoridad ang pagbili ng lokal bago payagang mag-angkat. Unahin muna natin ang sariling ani bago ang imported,” ani Dy.
Kabilang din sa mga tinalakay ang ipinatupad ng programa ng Isabela provincial government para sa kapakinabangan ng mga magsasaka nito kabilang ang scholarship grants sa kani-kanilang dependents at tulong para pagpapalakas ng agri productions.
“Ang mga programa namin sa Isabela ay nakatuon hindi lang sa produksyon ng ani kundi pati sa kinabukasan ng pamilya ng mga magsasaka. Ganyan din ang nais nating isulong sa pambansang antas—isang sistemang kumikilala, nagpoprotekta at tumutulong sa ating mga magsasaka,” paglalahad pa ng lider ng Kamara.
Natalakay din ang pagkakaroon ng long-term infrastructure programa, kabilang na rito planong pagkakaroon ng highway na magkokonekta sa Metro Manila sa Regions 2 at 3 para mabawasan ang transport costs at mapabuti ang access sa mga pamilihan ng mga agri products.
“Matagal na naming pangarap ‘yan. Kung matutuloy, malaking ginhawa ‘yan sa pagdadala ng produkto. Ang contribution ng Isabela nasa 15 to 18 percent ng konsumo ng Metro Manila,” sabi pa ng House Speaker.
Bilang pangwakas na mensahe, sinabi ni Dy sa nakaharap niyang delegasyon na mananatiling bukas ang Kamara sa hanay ng mga magsasaka at mamamayang Pilipino.
“Bukas lagi ang Kongreso sa inyo. Ang mga pintuan ng Kamara ay hindi lamang para sa mga mambabatas kundi para sa mga tunay na bumubuhay sa ating bayan—ang mga magsasaka.”
Sa panig ng mga magsasaka, nagpahayag sila ng kagalakan at pasasalamat sa lider-kongresista dahil ang nasabing pulong ay ang una nilang karanasan na personal na makaharap ang pinakamataas na opisyal ng Kamara at mapasok ang opisina nito.
“Sulit po ang biyahe namin mula madaling araw. Ngayon lang kami nakapasok sa opisina ng Speaker at ramdam namin ang malasakit niya sa mga magsasaka,” bulalas pa ng isa sa mga miyembro ng local farmer’s group. (ROMER R. BUTUYAN)