NI ESTONG REYES
TALIWAS sa kumakalat na balita sa social media, hindi nagbitiw ang dating artistang si Nadia Montenegro bilang empleyado sa tanggapan ni Senador Robin Padilla.
Ayon kay Atty. Rudolf Philip Jurado, Agosto 13 pa naka-leave si Montenegro matapos madawit sa umano’y paggamit ng marijuana sa loob ng Senado.
Paglilinaw ni Jurado, obligado pa rin si Montenegro magsumite ng consolidated reply/explanation kesehodang nagbitiw o nasa “bakasyon.”
Una nang nadawit si Montenegro sa incident report ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms kaugnay ng umano’y paggamit ng marijuana sa loob ng palikuran sa ika-limang palapag ng Senate building noong Agosto 12.
Base sa salaysay ng isang empleyado sa opisina ni Senador Panfilo Lacson, umalingasaw di umano ang kakaibang amoy na kahawig ng marijuana mula sa CR.
Hayagang pinangalanan dating artista na umano’y tanging tao sa loob ng banyo.
Gayunpaman, itinanggi ni Montenegro ang paggamit ng marijuana sa loob ng lady’s room. Aniya, posibleng vape na nasa kanyang bag ang pinanggalingan ng amoy.
