NI ESTONG REYES
DAPAT lang. Ito ang bulalas ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III kaugnay ng mungkahing magsagawa ng random drug testing sa hanay ng mga kawani ng Senado para masigurong drug-free ang institusyon.
Para kay Sotto, higit na angkop ibalik ang polisiya ng senado sa ilalim ng 18th Congress. Partikular na tinukoy ng mambabatas ang random drug testing sa mga panahong siya pa ang Senate President.
“Yes. Random drug testing was undertaken by the Office of Senate Sergeant-at-Arms (OSAA) in all offices including theirs often. Noong wala na ako, inalis na nila,” wika ni Sotto sa gitna ng imbestigasyon sa isang staff ni Senador Robin Padilla na umano’y gumagamit ng marijuana sa loob ng gusali ng senado.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, maaaring isailalim sa drug testing ang mga empleyado ng gobyerno bilang bahagi ng workplace safety protocols.
Noong 2018, sa ilalim ng liderato ni Sotto, 300 kawani ng Senado ang sumailalim sa random drug test. Wala maski isang empleyado ang nag positibo sa droga.
