NI LILY REYES
MATAPOS ang mahigit isang taon, tuluyan nang pinatalsik sa pwesto ang hindi bababa sa 17 opisyales ng pamahalaan — kabilang ang isang alkalde at director ng Department of Environment and Natural Resources.
Sa desisyon ng Ombudsman, hinatulang guilty ang tatlong opisyal ng Sagbayan, Bohol, at gayundin ang ilang DENR officials kaugnay ng nadiskubreng private resorts sa loob ng Chocolate Hills — isang protected area alinsunod sa umiiral na batas.
Kabilang sa mga hinatulang guilty sa Grave Misconduct, Gross Neglect of Duty, at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service sina Sagbayan Mayor Restituto Suarez III, Zoning Administrator Maximo Lomosbog, at Municipal Building Official Alan Dinoy.
Bukod sa pagsibak sa trabaho, kanselado rin ang retirement benefits ng mga nabanggit na opisyales. Pasok din sa parusa ang perpetual disqualification sa anumang pwesto sa gobyerno.
Kasama ring pinatalsik ang ilang miyembro ng Protected Area Management Board (PAMB) Technical Working Group at mga opisyal ng DENR, tulad nina DENR Community Environment and Natural Resources Office (CENR) officer-in-charge Laurentino Bautista, Protected Area Management Board (PAMB) Chairman Gilbert Gonzales, PAMB secretariat Lorna Fernandez, at DENR Central Visayas Regional Director Paquito Melicor.
Gayundin sina Tito Ancog, Paulino Amodia, Jose Douglas Berenguel, Lito Bonajos, Rogaciana Caduyac, Maria Fe Jala, Betsy Jumamoy, Adelo Mangaya-ay, Ariel Rica, at Ceferino Tajo.
Pinatawan naman ng suspensyon ang 22 barangay chairman na miyembro ng PAMB.
