NASA 200 pasahero ng Philippine Airlines (PAL) flight ang kinailangan maghintay ng walong oras bago makalipad patungong Kansai, Japan matapos makatanggap ng tawag ang Manila International Airport Authority (MIAA) hinggil sa di umano’y bomba sa eroplano.
Ayon kay Col. Esteban Eustaquio ng Philippine National Police Aviation Security Group, isang babae ang tumawag sa airport authority at nagtanong kung may bomba ang PAL flight ng PR-412 patungong Kansai.
Sa tulong ng makabagong teknolohiya, agad naman natunton ang indibidwal na nagmamay-ari ng mobile number na ginamit sa pagtawag.
Ang puno’t dulo ng pagkaantala, isang babaeng pasahero ng naturang eroplano.
Bilang tugon, agad na pinababa ang mga pasahero at ang kanilang mga bagahe para sa inspeksyon, subalit negatibo – walang bombang natagpuan ang mga bomb experts.
