Ni LILY REYES
PATAWIRIN sa pagamutan ang buhay ng di umano’y magkasintahan matapos paulanan ng bala ng riding in tandem habang naglalakad sa Barangay Ugong Norte sa Quezon City kaninang madaling araw.
Kinilala ang mga biktima na sina Gerald Francis Fabie Jaime, 33 taong gulang, binata, residente ng Barangay Santiago, Baras, Rizal, at Dame Camille De Vila Santos-Cruz, 32-ayos, na naninirahan sa CBE Townhomes, Pasong Tamo, Quezon City.
Sa ulat ng Eastwood City-Libis Police Station 12 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 1:50 ng madaling araw (May 1), nang maganap ang pamamaril sa kahabaan ng Temple Drive Ave., Barangay Ugong Norte sa nasabing lungsod.
Batay sa imbestigasyon ni Corporal Marlon Ace Yalo, naglalakad umano ang mga biktima habang kumakain nang biglang sumulpot ang dalawang suspek na lulan ng isang motorsiklo.
Dito na sunod-sunod na nagpaputok ang mga hindi kilalang salarin. Agad naman isinugod sa Medical City ang mga biktima.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng QCPD sa hangaring tukuyin ang motibo ng pamamaslang at pagkakakilanlan ng mga nakatakas na salarin.
