SELDA sa halip na silid-aralan ang pinasukan ng anim na kabataang estudyante ng University of the Philippines matapos damputin ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) kaugnay ng isinagawang kilos-protesta kasabay ng paggunita sa Araw ng mga Manggagawa.
Sa isang pahayag ng MPD, nagpumilit di umano ang mga estudyanteng aktibista na dumikit sa US Embassy sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay MPD spokesperson Major Philipp Ines, sasampahan ng patong-patong na kaso ang anim na kabataang aktibista – kabilang ang paglabag sa Batas Pambansa 880 (Public Assembly Act), vandalism at kawalan ng permit para mag rally.
Sa kilos-protesta ng mga kabataan, partikular na tinuligsa ang panghihimasok ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Samantala, kinondena ng University of the Philippines (UP) Student Council ang anila’y ilegal na pag-aresto ng MPD sa anim na aktibista mula sa naturang pamantasan sa gitna ng kilos-protesta sa US Embassy.
Sa isang pahayag, nanindigan ang UP Student Council na karapaqtan ng bawat mamamayan magprotesta sa ilalim ng umiiral na batas.
Bukod sa mga kabataan, lumahok din sa malawakang kilos protesta ang mga labor groups na nanawagan sa pamahalaan tugunan ang daing ng mga manggagawa – umento sa sahod, pagwawakas ng kontraktwalisasyon at iba pang nagsusulong sa kapakanan ng mga obrero.
Pasok din sa kilos protesta ang mga tsuper ng mga pampasaherong jeep na nagpahayag ng pagtutol sa jeepney phaseout na okonibli di umano sa tawag na PUV Modernization Program.
