ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magkakaroon ng dagdag-sahod sa hanay ng mga obrero.
Gayunpaman, walang binanggit na petsa si Labor Secretary Bienvenido Laguesma. Ang tangi lang niya tugon – “sa lalong madaling panahon.”
Sa isang panayam sa radyo, siniguro ng Kalihim na tatalima ang kagawaran sa utos ni Marcos na rebisahin ang umiiral na antas ng minimum wage sa 17 rehiyon ng bansa.
Ayon kay Laguesma na tumatayong chairman ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), karaniwang naglalabas ng panibagong umento sa sahod ang mga Regional Tripartite Wage and Productivity Board (RTWPB) pagkatapos ng masusing pag-aaral sa umiiral na minimum wage, presyo ng bilihin, antas ng pamumuhay sa rehiyon at iba pang aspetong pinagbabatayan sa pagpapasya kung magkano at kailan magkakabisa ang dagdag-sahod.
Bagamat mahaba ang proseso, nilinaw ni Laguesma na hindi “false hope” ang paandar ng Pangulo.
Para aniya mas mapabilis ang implementasyon ng wage hike, makakatulong ang paglabas ni Marcos ng isang mahigpit na tagubilin magbibigay-daan sa paspasang deliberasyon.
Maiwasan din aniya ang kawalan ng katiyakan ng paglabas ng mga bagong wage orders.
