SADYANG itinayo ang mga pampublikong ospital para isalba ang buhay ng mga taong nasa peligro, ayon kay Senador Bong Go kasabay ng babala laban sa pagtanggi sa mga pasyente ng ilang pagamutan sa ilalim ng pangangasiwa ng gobyerno.
Partikular na tinukoy ni Go na tumatayong chairman ng Senate Committee on Health ang isang pampublikong ospital sa Ozamiz City sa lalawigan ng Misamis Occidental kung saan nanganib ang buhay ng isang pasyente dahil sa kawalan ng kakayahan tustusan ang oxygen supply habang nakaratay sa karamdaman.
“You should stand by your memo na walang tatanggihan na pasyente rito. Dahil pag may namatay na pasyente dahil sa kahirapan, malaki po ang pananagutan nyo sa ating mga kababayan. Magsasalita talaga ako rito araw-araw kung meron namatay na pasyente dahil tinanggihan at dahil po sa kahirapan… wala na nga matakbuhan, tatanggihan pa ng pagamutan ng pamahalaan,” wika ni Go kay Health Secretary Ted Herbosa sa isang pagdinig ng Senado.
“Paano kaya natin matulungan ito through the MAIP (Medical Assistance for Indigent Patients) program? Isipin nyo dahil sa oxygen… papatanggal na lang niya (oxygen), malalagutan siya ng hininga dahil sa kahirapan,” litanya ng mambabatas.
Sa ilalim ng Malasakit Program ng pamahalaan, sagot ng MAIP ang kakulangan sa pera ng mga maralitang pasyente sa mga pampublikong pagamutan.
Samantala, nangako naman si Herbosa na mahigpit na ipatutupad ang tagubilin ng batas na lumikha ng Malasakit Center sa mga pagamutan na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health.
“Umiiyak nga ang mga pasyente, nakatanggap ng tulong galing sa ating opisina. So maganda ang nagagawa ng Malasakit (Centers) Act,” wika pa ng Kalihim.
Batay sa huling bilang, umabot na sa 163 ang kabuuang bilang ng mga Malasakit Centers sa 17 rehiyon, 82 lalawigan, 144 lungsod, at 1,498 munisipalidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
