PARA sa ilang kongresista ng Kamara, malinaw ang motibo ng tinaguriang PDEA Leaks na nagdadawit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa droga – ang pabagsakin ang administrasyon.
Partikular na tinukoy ni Tingog Partylist Rep. Jude Acidre ang aniya’y kaduda-dudang pagsulpot ni dating Philippine Drug Enforcement Agency investigation agent Jonathan Morales na pinaniniwalaang naglabas ng mga confidential documents kung saan nakatala di umano ang pangalan ni Marcos at aktres na si Maricel Soriano sa mga “high profile” target ng ahensya.
Aminado si Acidre na palaisipan ang biglaang pag-eksena ni Morales sa pagdinig ng Senado hinggil sa nasabat na droga sa Batangas.
“Naguguluhan din ako bakit biglang naipasok si Morales sa usapin na alam naman natin na ang pinaka layunin nung hearing sana yun ay mabigyan linaw ukol dun sa mga nakuha nilang illegal drugs sa Batangas,” sambit ng kongresista sa isang pulong-balitaan.
“I think it becomes even more clear now na ito mga pangyayaring ito ay kaparte ng isang mas malaki pang effort to discredit and destabilized the current administration,” wika ng solon.
Samantala, iginiit naman ni Isabela Rep. Inno Dy na walang kredibilidad si Morales na dalawang ulit nang tinanggal sa serbisyo dahil sa bulilyaso.
“Nakakapagtaka na bakit po si Morales ay nandoon sa hearing, sa Senado sapagkat ang dapat tatalakayin nung panahon na yun ay ang nasabat na 1.9 tons ng shabu. Pero umabot na pinag-uusapan na yung supposedly leaked PDEA documents which is so easy to fabricate nowadays,” saad ni Dy.
“Yung credibility nung taong nagsasalita na kung saan siya’y natanggal na sa kapulisan dati, meron din siyang mga hinarap na kaso, or findings sa PDEA, and then you’re gonna have him testify in Senate. So, are we gonna believe the agency itself? Or a former agent na wala namang kredibilidad.”
Paulit-ulit nang itinanggi ng PDEA na naging target sa operasyon kontra droga ng ahensya si Marcos.
