Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
NAGPAHAYAG ng pagsuporta ang ilang ranking officials ng Kamara sa isinusulong na pagbabalik ng kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na direktang makapagbenta ng bigas sa mga konsyumer sa mas mababang presyo kumpara sa halaga ng commercial rice sa mga pamilihan.
Sa isang kalatas, binigyang diin ni House Deputy Majority Leader at TINGOG partylist Rep. Jude Acidre ang pangunahing layunin naman kung bakit dapat amyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL) – partikular sa pagbabalik ng dating mandato ng NFA.
Paliwanag ni Acidre, higit na dapat timbangin ang kapakanan ng mga maralitang di na halos makagulapay sa taas ng presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin sa merkado.
Sa pagbabalik aniya ng murang bigas sa mga pamilihan, hindi lang abot-kayang bigas ang hatid ng naturang hakbang. Kabilang rin aniya sa inaasahan ay ang pagbaba ng presyo ng commercial rice na posibleng langawin dahil may mas murang alternatibo na ang mga maralita.
“Ultimately, ang layunin naman natin ay magkaroon ng access sa mas murang bigas ang ating mga kababayan. I think its fundamental for government to ensure na ang pinaka-mahirap, pinaka-vulnerable sa ating pamayanan ay magkaroon ng pagkain sa kanilang hapag kainan,” sabi pa ng ranking House official.
Pinawi rin ni Acidre ang agam-agam sa pagbabalik ng kinultab na kapangyarihan ng NFA bunsod ng nabistong katiwalian ng naturang ahensya sa mga nakalipas na panahon.
“I think there are more effective mechanisms to reduce the likelihood of corruption other than taking away the access of the poor to more affordable rice,” wika ng partylist solon.
Sa panig ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Rep. Faustino “Inno” Dy V, sinabi niyang ang NFA ang siyang magsisilbing set net para sa mga Pilipino at magsisilbi ring “price regulation tool” kung makapagbebenta na muli ito ng murang bigas.
“By allowing NFA to do its function like before, magkakaroon na tayo ng mas mababang presyo ng bigas sa merkado. At ngayon, hopefully that will lower the prices of other competing well-milled rice, other types of rice. And again, it becomes a safety net para sa ating mga kababayan na hindi makabili ng premium rice, well-milled rice,” ani Dy.
“Kung nandyan po ang NFA, again we could supply rice to a cheaper price and mas mapapalaki pa natin yung kita ng ating mga farmers at nako-close po natin ‘yung gap between kita ng farmers and also sa presyo na binibigay po natin sa consumers or napapababa para sa consumers,” dugtong niya.
