Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA kay Nueva Ecija 1st District Rep. Mika Suansing, ang pagbabalik ng murang bigas sa mga pamilihan ang magbibigay-daan para matapos ang katiwalian sa National Food Authority (NFA) – na mangyayari lamang kung aamyendahan ng Kongreso ang Republic Act 11203 na mas kilala sa tawag na Rice Tariffication Law.
Ayon kay Suansing na tumatayong Vice-Chairperson ng House Committee on Agriculture and Food, hindi dapat limitado ang mandato ng NFA sa ‘rice buffer stock’ na pwede lang ilabas ng ahensya sa panahon ng sakuna.
Panawagan ni Suansing sa mga kapwa mambabatas sa Senado suportahan at pagtibayin ang isinusulong na amyenda ni House Speaker Martin Romualdez sa RA 11203 bilang solusyon sa nabistong sabwatan ng ilang tiwaling NFA officials at rice traders.
Higit pa sa banta ng katiwalian, nanindigan din ang Nueva Ecija solon na dapat isaalang-alang ng Kongreso ang kapakanan ng mga maralitang pamilya, kasabay ng hiling na bigyan ng “open access” ang konsyumer sa murang bigas ng naturang ahensya.
“I very much laud and commend from a personal standpoint the appeal of the Speaker to the Senate to expedite the passage of the amendments of the RTL,” wika ng House assistant majority leader.
“Sobrang natuwa ako nuong nagsabi si Speaker na House priority na po ito (RTL amendment) and more than just indicating it as a House priority, the Speaker actually wants to request the President to certify this bill as urgent, dahil po talagang urgent ito in every sense,” dagdag pa ng kongresista.
Pinawi naman ni Suansing ang pangamba, partikular ni Senador Cynthia Villar, chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, na kung ibabalik sa NFA ang mandato na magbenta sa merkado ng bigas, ay baka maulit lamang ang umano’y naganap korapsyon sa nakalipas na panahon na siyang punong dahilan kung bakit limitado na lang ang NFA sa pag-iipon ng rice buffer stock at pagsusuplay ng bigas sa mga ahensya ng gobyerno.
“I will make sure that the way that we craft the provision in terms of reinstating the mandate of NFA would be less prone to corruption, so that’s the assurance that we give on the part of the House… we’ll make sure that the provisions are crafted the right way this time,” garantiya ni Suansing.
“Napakataas po ngayon ng presyo ng bigas sa merkado at ang target po ng ating mahal na Speaker at sana po hinihikayat po namin ang aming mga kaibigan sa Senado na samahan kami dito sa pag-expedite ng approval nito sapagkat ang target po ng ating Speaker ay bago po mag-break ng sine die ngayon pong Mayo ay maipasa na po natin dito sa Kongreso sa third and final reading itong amendments sa RTL, para po pagdating ng Hunyo ay ma-implement na po ito,” aniya pa.
Sang-ayon din si Suansing sa pagtataya ni Romualdez hinggil sa inaasahang pagbaba ng mula P10 hanggang P15 sa presyo ng commercial rice sa pamilihan.
“Kaya bakit po ba mahalaga ito sapagkat sa kasalukuyang porma ng RTL nawala po iyong dating kapangyarihan ng NFA, iyong dati nilang mandate na bumili ng bigas at magbenta ng bigas direkta sa merkado. Ngayon po isa sa mga nakikita nating dahilan kung bakit napakataas ng presyo ng bigas ay ang available lang sa merkado ay iyong commercial rice at lahat po ito ay naglalaro sa P42 para sa well-milled rice hanggang P60-P62 para sa premium rice,” giit pa ni Suansing.
“Bakit po natin gustong madaliin ito? Dahil agad-agad gusto po nating ma-address ‘yung pressing need for more affordable rice in the market,” dagdag niya.
Ani Suansing, ang presyo ng bigas at food inflation ay maituturing na “major driver” ng inflation o ang antas sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, kung saan nakapagtala ng 24.4% year-on-year basis inflation.
