Ni JAM NAVALES
SA halip na mag-usap, nag kanya-kanyang lakad. Ang resulta, magkaibang datos sa pinsala at lawak ng epekto ng El Niño.
Ito ang buod ng pahayag ni AGRI Partylist Rep. Wilbert Lee hinggil sa aniya’y nakalilitong deklarasyon ng Department of Agriculture (DA) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hinggil sa kabuuang halaga ng pinsala na tinamo ng sektor ng agrikultura sa perwisyong dala ng El Niño sa bansa.
Para kay Lee, lubhang mahalaga ang pagkakaroon ng pamahalaan ng tamang impormasyon bilang gabay sa pagpapatupad ng mga programa gayundin ang pagtugon sa epekto ng kalamidad.
Sa ulat ng DA, umabot na umano sa P5.9 billion ang pinsala sa agricultural sector dala ng grabeng tag-init, kung saan apektado nasa 113,585 farmers at fisherfolk sa 12 rehiyon ng bansa. Pasok din sa ulat ng kagawaran ang nasa pagkasalanta ng 104,402 ektaryang sakahan.
Iba naman ang datos ng NDRRMC na nagsabing P1.6 bilyon ang kabuuang halaga ng pinsalang tinamo bunsod ng pinsala sa 44,437 ektaryang taniman ng 46,805 magsasaka.
Pag-amin ng AGRI partylist solon na nakalilito ang mga datos sa dalawang nabanggit na ahensya, na bukod sa hindi magkatugma ay napakalaki ng diperensya.
“Ayon sa DA, umabot na sa halos P6 billion ang pinsala sa agrikultura sa bansa dulot ng El Niño noong April 30. Sa inilabas naman na situation report ng NDRRMC noong April 29, nasa mahigit P1.6 billion ang tinatayang pinsala sa agrikultura. Dapat linawin kung bakit magkaiba at alin ang dapat sundin dito,” wika ni Lee.
“The appropriate mitigation and response to El Niño is dependent on accurate data, especially since this is the basis for the assistance being given by the government to those affected by the phenomenon. How much will be given to how many is reliant on the reports being published kaya sana po ay magkaroon ng maayos na komunikasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno na nag-a-assess at naglalabas ng mga ganitong datos,” dugtong ng Bicolano lawmaker.
Giit ni Lee, krusyal ang pagkakaroon ng tamang datos para makapaghatid ng sapat at mabilis na tulong sa mga apektadong sektor.
“Deserve ng ating mga kababayan ang mas maayos na serbisyo, mabawasan ang kanilang mga pasanin, at maibsan ang kanilang pangamba na lalong mabaon sa hirap at utang sa panahon ng kagipitan tulad na lang kung may magkasakit sa pamilya,” dugtong ng mambabatas.
“We deserve better, and we must demand better for efficient and swift services. Siguradong Winner Tayo Lahat sa pagkakaisa, malasakit at koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno at taumbayan, para sa mabilis na pagresponde at pamamahagi ng ayuda, lalo na sa panahon ng sakuna,” pagtatapos ni Lee.
