Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
BUKOD sa kwestyunableng integridad at nabahirang kredibilidad, hindi angkop na paniwalaan – at lalong di karapat-dapat pagkatiwalaan ang dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) investigation agent na naglabas ng mga klasipikadong dokumentong nagdawit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa droga.
Ito ang tahasang sinabi ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers hinggil kay ex-PDEA agent Jonathan Morales na napag-alamang dalawang ulit na sinibak sa serbisyo.
Pag-amin ni Barbers, diskumpyado siya kay Morales na aniya’y nagpapanggap na anti-drug crusader gamit ang grupong Anti-Drug Advocate Laban ng Pamilyang Pilipino Center for Investigative Regulatory Compliance.
“Base sa mga ulat, si Morales ay na-dismiss sa police service bago pa sya nag-apply as PDEA agent. Sa pinirmahan niyang Personal Data Sheet sa PDEA, sinabi nya umano na wala, pero meron pala, siyang kaso sa PNP bago nag-apply sa PDEA,” ayon pa sa ranking House official.
“Nuong nakalusot na sya sa PDEA, naakusahan naman siya later ng kanyang mga superiors at kasamahan mismo sa PDEA na sangkot sa illegal arrest at extortion sa isang drug lord na nagngangalang Mark Tan ng Binondo, Maynila,” dagdag pa niya.
Maging ang si former PDEA chief Arturo Cacdac (na dating amo ni Morales), aminadong sabit sa katiwalian ang tinaguriang PDEA leak guy. Partikular na tinukoy ni Cacdac sa isang congressional hearing ang bulilyasong kinasangkutan ni Morales na kabilang sa mga sumalakay sa hinihinalang shabu laboratory sa San Fernando City sa Pampanga.
Taong 2013 nang tuluyang madismiss si Morales sa PDEA bunsod ng “grave misconduct, dishonesty, and conduct prejudicial to the best interest of the service.”
Gamit ang mga dokumentong aniya’y nagmula mismo sa PDEA, isiniwalat ni Morales ang di umano’y naunsyaming plano ng ahensya na dakpin ni Marcos at aktres na si Maricel Soriano sa bisa ng authority to operate na inilabas ng pamunuan ng PDEA noong Marso 2012.
Sa panig ng PDEA, nanindigan ang ahensya na peke ang mga dokumentong hawak ni Morales.
“A critical feature of PORMIS [Plans and Operations Reports Management Information System] is that one cannot insert or tamper with recorded operations. All pre-operation documents are serialized and recorded in this database. This ensures the system’s integrity and negates any doubt on the data the system contains,” Lazo said.
“In an age where Artificial Intelligence can generate realistic fake videos, spurious documents and fantastic claims at having ‘insider information’, the public is cautioned to be more careful in believing such fake news,” ani PDEA chief Virgilio Lazo.
