
Ni ESTONG REYES
WALANG plano ang Senado iantala ang isinusulong na imbestigasyon sa di umano’y secret deal na pinasok ni former President Rodrigo Duterte sa usapin ng West Philippine Sea.
Garantiya ni Senate President Juan Miguel Zubiri, tatalupan ng senado ang secret deal na pinaniniwalaang dahilan sa likod ng mas agresibong presensya ng China sa karagatang pasok sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone (EEZ).
Hindi aniya totoong delaying tactic ang ginawa niyang pagre-refer ng usapin sa Senate Committee on Foreign Relations sa pamumuno ni Senate Majority Leader Joel Villanueva.
“I already spoke as well to the Majority Floor Leader and we both agree that after your speech we shall now refer to the proper committee. I will wait for the Majority Leader to make the proper motion to discuss this particular issue,” wika ni Zubiri.
“There is no in any way no such thing or any such thing as we were going to delay this particular hearing, dugtong ng Senate President.
Para kay Villanueva, walang basehan ang argumento ng China sa paniwalang nais lamang ng naturang bansa maghasik ng kontrobersiya sa hangaring isulong ang pagkakawatak-watak ng mga Pilipino.
“This representation believes that in all of these, China is behind all of these propaganda na pag away-awayin po tayong lahat,” giit ni Villanueva.
Pinabulaanan ni Zubiri na kanyang tinabla o hinaharang ang imbestigasyon dahil sa pulitika. Gayunpaman, di niya papayagan mabahiran ng pulitika ang isyu ng soberanya.
“Ang sinasabi ko lang, nanghihinayang po ako dahil nawawala po yung issue dahil sa pamumulitika laban sa isang dating presidente at laban ngayon sa existing or current president. We shall take out that political color, look at the issues at hand and how we can strengthen number one, the independence of this institution and number two, be able to come out with particular legislation to support the particular issues na di po to mangyari ulit.”
“Nanghihinayang po ako dahil kung tayo ay bumanat po sa China sinasabi daw nila ay tayo ay anti-Duterte pag tayo naman ay sumasang-ayon sa China, tayo daw ay pro-Duterte we shouldn’t put politics in this particular issue, dahil soberanya po ang pinag-uusapan natin. Dapat magkaisa tayong mga Pilipino pagdating sa soberanya sa West Philippine Sea,” dugtong pa ng lider ng Senado.