TALIWAS sa resulta ng kabi-kabilang pagsusuri sa kalagayan ng bansa, nanindigan si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon na hindi totoong naghihirap ang mga mamamayan ng Pilipinas.
Sa ginanap na Bagong Pilipinas public briefing, hayagang pinabulaanan ni Gadon ang mga aniya’y nagsasabing napakahirap ng buhay sa bansa.
Katunayan aniya, di halos mahulugang-karayom ang mga shopping malls at commercial arcades sa dami ng tao, gayundin sa mga fast food chains na pinipilahan ng pami-pamilyang Pilipino.
Di rin aniya mailkakaila ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa dami ng mga kotse sa kalsada.
“Iyong mga nagsasabi na napakahirap ng buhay ay sila lang ang nagsasabi niyan, haka-haka lang nila yan. Pero ang katotohanan, magpunta ka sa mga mall, punong-puno ibig sabihin mataas ang purchasing power ng mga tao,” ani Gadon.
Kung papansinin aniya, maraming mga bagong kotse sa mga lansangan na ang ibig sabihin ay marami ang nakakabili ng sasakyan, kasabay ng giit na maganda para sa ekonomiya ng bansa ang mga tagpong binanggit.
Para kay Gadon, pawang paninira lamang aniya ang pakay ng mga taong nagsasabing hindi maganda ang pamamalakad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Binanggit din ni Gadon ang datos ng National Anti-Poverty Commission kung saan nakapagtala di umano ng malaking pagbaba sa antas ng kahirapan ng mga mamamayan.
