WALANG plano ang bagong pamunuan ng National Food Authority (NFA) ipagduldulan ang ahensya para mabawi ang kapangyarihan manghimasok sa local rice market.
Ayon kay NFA officer-in-charge Larry Lacson, pwede naman aniyang pangasiwaan ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat at pagbebenta ng murang bigas sa mga pamilihan sa sandaling ganap na naisabatas ang isinusulong na amyenda sa Rice Tariffication Law.
Partikular na tinukoy ni Lacson ang duda ng ilang mambabatas sa NFA na sangkot sa kabi-kabilang eskandalo bunsod ng mga sumingaw na anomalya.
Sa ginanap na pagdinig ng Congressional Oversight Committee on Agricultural and Fisheries Modernization kamakailan, nanawagan ang mga senador kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na pangasiwaan na lang ng kanyang kagawaran ang local rice market.
“Naiintindihan nating mabuti yan kasi hindi naman namin pwedeng ipagkaila na may experiences in the past na mayroong mga nanamantala or nagkaroon ng kaunting kalokohan. So, kaya hindi natin sila masisisi,” ani Lacson.
Kumbinsido rin si Lacson na angkop lang ang panghihimasok ng pamahalaan lalo pa’t may basehan para maniwalang may mga negosyanteng nagsasamantala at nagdidikta sa presyo ng bigas sa merkado.
“Sa ngayon kasi, tingin natin at yun ang nangyayari, wala tayong magawa. Parang nakatali ang kamay ng gobyerno pag may mga kondisyon na ganito, which is not really good for the whole country kasi prone yun sa pananamantala,” pahabol ni Lacson kasabay ng garantiya sa repormang isinusulong sa kanyang ahensya.
