SA kabila ng mga panawagan ng iba’t ibang sektor ng lipunan sa pinananabikang kastigo sa di umano’y pekeng Pilipinong nailuklok sa pwesto, tinabla ng Department of Interior and Local Government (DILG) na patawan ng suspensyon si Bamban Mayor Alice Guo.
Sa isang pahayag, iginiit ni DILG Sec. Benhur Abalos na walang poder ang kagawaran maglapat ng parusa – o magpataw man lang ng preventive suspension laban sa kontrobersyal na alkalde.
Gayunpaman, nilinaw ni Abalos na pormal na hiniling ng DILG sa Office of the Ombudsman na maglabas ng preventive suspension laban kay Mayor Guo.
“The DILG does not have the power to directly suspend or dismiss local officials. Hence, the DILG defers to the Ombudsman regarding any sanctions that may be imposed against Guo, in line with its disciplinary authority over elective officials of local governments,” saad sa kalatas ng ahensya.
Buwan ng Abril nang lumikha si Abalos ng isang task force na inatasan mag-imbestiga sa koneksyon ng Bamban mayor sa ilegal na operasyon ng dalawang POGO hub sa likod ng munisipyo kung saan nag-oopisina si Guo.
Sa isang ulat na isinumite ng DILG task force na pinamumunuan ni Atty. Benjamin Zabala, nakitaan ng anila’y ebidensyang nag-uugnay kay Mayor Guo sa mga ilegal na aktibidad ng POGO hubs na nasa likod ng malawakang modus ng panloloko.
Karaniwang naglalabas ng preventive suspension sa mga iniimbestigahang opisyales ng gobyerno para tiyakin ang patas at walang bahid na resulta ng pagsisiyasat.
Target din si Mayor Guo ng magkakahiwalay na imbestigasyon ng Office of the Solicitor General (OSG), Senado at Kamara.
