NANAWAGAN sa Palasyo ang mga mangingisdang Pinoy sa anila’y pwersahang pagkumpiska ng China sa kanilang huling isda sa Bajo de Masinloc na bahagi West Philippine Sea.
Sa ginanap na public consultation ng House Special Committee on the West Philippine Sea kasama ang House Committee on National Defense and Security kaugnay ng tinaguriang “gentleman’s agreement” sa pagitan ng China at former President Rodrigo Duterte, partikular ng tinukoy ng mga mangingisda ang salarin – ang mga Chinese Coast Guard.
Kwento ng mangingisdang si Leonardo Cuaresma, pwersahang inaagaw ng mga Tsino ang kanilang huling isda at pinapalitan ng mga expired na instant noodles.
“Hinaharang po ng mga Chinese Coast Guard ang mga bangkang pangisda namin kinukuha ang aming magagandang huli ng isda, yung sampung libong halaga ng isda na huli namin pinapalitan nila ng mga expired na noodles,” ani Cuaresma.
Itinanggi rin ni Cuaresma ang palusot ng China na barter di umano ang palitan ng sa pagitan ng Chinese Coast Guard at mga mangingisdang Pinoy na naglalayag sa Bajo de Masinloc.
“Meron bang barter na sampung libo ang halaga ng isda namin, tapos kapalit expired na instant noodles?”
Hirit ng mga mangingisda sa pamahalaan, tulungan silang makabalik sa kanilang hanapbuhay ng walang pangamba habang nasa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Ayon naman kay Barangay chairman Gerry Mondiasa na isa ring mangingisda, gayundin ang dinaranas ng iba pang Pilipinong naglalayag sa iba pang bayan ng Zambales sa tuwing natityempuhan ng Chinese Coast Guard.
Samantala, bumulaga naman sa Bajo de Masinloc ang tinaguriang pinakamalaking Coast Guard ship sa buong mundo.
Ayon kay maritime security expert Ray Powell, namataan ang 165-metrong habang Chinese Coast Guard vessel na may body number 5901 hindi kalayuan sa Bajo de Masinloc – kasama ang isa pang barko ng China.
Para kay Powell, nagsagawa ng tinawag niyang “intrusive patrol” ang China sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone – bagay na kinumpirma din ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad.
“Yes, it was 50 nautical miles from Bajo de Masinloc,” sambit ni Trinidad.
