MATAPOS pagtibayin ng Kamara, tila pahirapan naman – kung hindi man malabong lumusot sa Senado ang kontrobersyal na panukalang batas na magbibigay-daan sa legalisasyon ng diborsyo sa Pilipinas.
Pag-amin ni Bagong Henerasyon partylist Rep. Bernadette Herrera, dadaan sa butas ng karayom ang Absolute Divorce bill na walang kahirap-hirap na pinagtibay ng mga miyembro ng Kamara de Representantes.
Gayunpaman, umaasa si Herrera na may solusyon para makahikayat ng 13 senador para tuluyang maisabatas ang panukalang diborsyo sa Senado.
Isa sa nakikitang paraan ng lady solon ang pagsasapubliko ng pagdurusa ng mga kababaihan at mga anak sa kamay ng mga iresponsable, babaero, pabaya kung hindi man sadistang asawa.
“One of the challenging tasks ahead now is to convince at least 13 senators to support the divorce bill by making them aware of the suffering of many Filipino spouses and their families,” pahayag ng mambabatas.
Iminungkahi rin ni Herrera ang puspusang kampanyang naglalayong “buksan ang puso” ng mga senador na tutol sa panukalang diborsyo.
Para kay Herrera, higit na angkop ipabatid sa mga senador na hindi hangad ng panukalang diborsyo ang sirain ang pamilya.
