SA gitna ng banta sa seguridad na dulot ng pagpasok ng dambuhalang barko ng China sa bahagi ng Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea, nakatakdang bumiyahe ulit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pag-amin ng Department of Foreign Affairs kahapon.
Ayon kay DFA spokesperson Ma. Teresita Daza, tutulak si Marcos – bitbit ang asawang Liza Araneta sa Brunei Darussalam bilang pagpapaunlak sa imbitasyon ni Sultan Haji Hassanal Bolkiah.
“The President will be traveling to Brunei on the 28th to 29th of May to undertake his first state visit to the Sultanate. While in Brunei, the President will be meeting with His Majesty, the Sultan, who is also Sultan Head of State of Brunei Darussalam,” wika ni Daza.
Kabilang sa inaasahang itutulak ni Marcos ang kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa, paghikayat sa mga negosyante mangapital sa Pilipinas at pagdalaw sa tinatayang 20,000 Pilipino na nagtatrabaho sa naturang estado.
Pagkatapos ng Brunei, tutulak naman aniya ang Pangulo sa Singapore para dumalo sa 21st International Institute for Strategic Studies (IISS) Shangri-La Dialogue 2024 kung saan inaasahan tatalakayin ni Marcos ang tensyon sa West Philippine Sea.
Base sa rekord ng DFA, umabot na sa 40 ang biyahe ng mag-asawang Marcos – 27 state visits at 13 pagdalo sa multilateral summits.
