MATAPOS ang unos na dala ng bagyong Aghong, tuluyan nang bumigay ang isang tulay-pantao na nagdurugtong sa bayan ng San Mateo sa lalawigan ng Rizal at Quezon City sa Metro Manila.
Sa ulat ng San Mateo Municipal Disaster and Risk Reduction Office, walang namatay o nasaktan sa insidente.
Kwento ng ilang saksi, bumigay ang tulay matapos tumaas ang lebel ng tubig sa na nagmumula sa kabundukan ng San Mateo at Montalban. Swerte naman walang tumatawid na tao nang maganap ang insidente.
Dahil sa nangyari, napilitan ang mga residente ng Barangay Silangan sa Quezon City at Barangay Ampid sa San Mateos na magbangka na lang muna sa tuwing kailangan tumawid sa kabilang pampang.
Ayon naman sa ilang residente, karaniwan talagang nasisira ang tulay kapag malakas ang ulan kaya obligado aniya ang mga nais tumawid na magbayad na lang ng P10 kada ulo sa mga bangkero sa naturang bahagi ng ilog.
Wala pang pahayag ang mga lokal na pamahalaan ng San Mateo at Quezon City kung gagawa ng mas matibay na footbridge kapalit ng nasirang daang tao.
