PALPAK na, magtataas pa. Yan ang bulalas ng mga ordinaryong konsyumer matapos maglabas ng abiso ang Meralco hinggil sa panibagong dagdag-singil sa buwanang konsumo ng kuryente.
Ayon kay Joe Zaldarriaga naq tumatayong tagapagsalita ng Meralco, asahan ang 10 sentimos na dagdag singil sa kada kilowatt hour na konsumo ng mga residente sa Metro Manila at mga karatig lalawigan kabilang ang Rizal, Cavite at Bulacan.
Partikular na tinukoy ni Zaldarriaga ang cost adjustment sa tinawag niyang ancillary services – bukod pa sa feed-in tariff na P0.05/kwh na ikakarga sa mga ordinaryong konsyumer.
Una nang tumaas ang presyo ng kuryente noong nakaraang buwan ng Mayo dahil sa madalas na red alert sa Luzon grid noong Abril. Sa huling dalawang linggo ng Mayo, muling isinailalim sa red at yellow alert ang power grid.
Katwiran ng Meralco, mataas ang binabayarang supply na kinukuha di umano ng nasabing kumpanya sa wholesale electricity spot market (WESM).
Dapat rin anilang maunawaan ng mga konsyumer na distribution utility company lang ang Meralco na aniya’y napipilitan patulan ang umiiral na presyo sa WESM dahil limitado ang supply ng enerhiya.
Kahapon, araw ng Lunes, muling nagdeklara ng yellow alert ang National Grid Corp. of the Philippines sa Luzon dahil di pa rin nakumpuni ang 14 na power plant.
