DALAWANG linggo bago ang inabangang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ibinunyag ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang patuloy na pagdami ng mga walang trabaho sa Pilipinas.
Sa datos ng PSA, pumalo na sa 2.11 milyon (katumbas ng 4.1%) ang mga Pinoy na walang trabaho noong buwan ng Mayo – mas malaki kumpara 2.04 milyong unemployed na naitala noong Abril.
Sa isang pulong-balitaan, nilinaw naman ni PSA chief Claire Dennis Mapa na ang pagdami ng bilang ng unemployed ay hindi dahil sa natanggal sa trabaho o nagsara ang negosyong pinapasukan – kundi dahil sumapit na sa wastong gulang ang mga teenagers.
Paglalarawan pa ni Mapa, ang 4.1% unemployment rate ang naitala noong Mayo 2024 ay bahagyang mas mataas kaysa sa 4% na naitala noong nakaraang buwan.
Samantala, nasa 95.9% ang employment rate ng bansa noong Mayo – na ayon kay Mapa at isang magandang senyales kumpara sa sa 95.7% noong Mayo nang nakaraang taon.
Kabilang din sa datos ng PSA ang nasa 4.82 milyong Pilipino na may trabaho pero naghahanap pa rin ng iba pang papasukan para sa dagdag-kita.
