Ni ESTONG REYES
NAPAGTANTO marahil ni Senador Alan Peter Cayetano na hindi lang puro pagbabanta si Senador Nancy Binay, matapos pormal na isumite ng babaeng mambabatas ang reklamo sa ethic committee ng Senado.
Partikular na inireklamo ni Binay ang aniya’y pambabastos ni Cayetano matapos siyang tawagin isang “Marites” – isang lengwaheng balbal na ang ibig sabihin ay tsismosa.
Magugunitang nagkaroon ng isang mainit na pagtatalo sina Binay at Cayetano kaugnay ng pagdinig sa P23-bilyong halaga ng New Senate Building (NSB) sa Bonifacio Global City sa lungsod ng Taguig.
Karaniwang takbuhan ang Senate Committee on Ethics and Privileges kung ang reklamo ay may kaugnayan sa pag-uugali, karapatan, pribilehiyo, kaligtasan, dignidad, integridad at reputasyon ng Senado.
Matatandaan na inilunsad ni Cayetano ang imbestigasyon sa NSB matapos ipag-utos ni Senate President Francis Escudero ang pagrepaso sa halaga ng pagpapatayo ng bagong gusaling magsisilbi sanang bagong tahanan ng Senado.
Sa panig ni Binay, sinabi ng senador na P21 bilyon lamang ang halaga ng NSB – at hindi P23 bilyon tulad ng nais palabasin ni Cayetano.
Samantala, nilinaw ni Cayetano na P23 bilyon kanyang kwenta dahil kasama na di umano sa naturang halaga ang perang ginastos pambili ng lupa.
Wala pang pahayag si Cayetano sa isinampang reklamo.
