SA gitna ng kontrobersiya kaugnay ng malawakang bentahan ng visa, isang Chinese national ang nagtangkang pumasok sa Pilipinas gamit ang isang pekeng tourist visa.
Sa kalatas ng Bureau of Immigration (BI), kinilala ang Chinese national sa pangalang Su Wenpeng na batay sa flight manifesto ay nagmula pa sa lungsod ng Hanoi sa bansang Vietnam.
Ayon sa mga operatiba ng BI, Lunes ng hapon nang mag-isang dumating sa bansa si Su. Sa interogasyon, sinabi ng nasabing Chinese national na isang siyang turistang nais masilayan ang sikat na Chocolate Hills sa Bohol.
Gayunpaman, nagduda ang mga operatiba ng kawanihan sa anila’y “inconsistencies” sa ipinrisintang tourist visa. Nang suriin ang dokumento, lumabas na peke ang tourist visa ni Su.
Agad na inendorso ang naturang dayuhan sa punong tanggapan ng kawanihan kung saan agad na inirekomenda isama sa talaan ng mga blacklisted na turista.
Nangangahulugan hindi na kailanman pwedeng pumasok o makatuntong man lang sa Pilipinas ang nabanggit na Chinese national.
