SA halip na magarbong condo unit, masikip at mabahong kulungan muna ang magsisilbing tahanan ng isang Chinese national matapos dakpin ng mga operatiba ng National Bureau Investigation (NBI) kaugnay ng kabi-kabilang kaso ng kidnap-for-ransom.
Kinilala ni NBI director Jaime Santiago ang dayuhang Tsino sa pangalang Wenli Gong alyas Axin na di umano’y responsable sa mga serye ng kidnap-for-ransom at serious illegal detention.
Sa kalatas ng NBI, timbog sa operasyon sa Muntinlupa City si Gong sa bisa ng isang warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 114, ng Angeles City sa lalawigan ng Pampanga.
Batay sa kasong kalakip ng mandamiento de arresto, inakusahan ang naturang Chinese national sa pagdukot sa pamilya ng sariling live-in partner na kunuhanan ng $2 milyon ransom kapalit ng kalayaan ng mga biktima.
Pagkatapos makuha ang ransom, sinubukan ni Gong tumakas patungong Hong Kong, ngunit nabigo matapos masabat ng mga operatiba NBI International Airport Investigation Division.
Sa pagsisiyasat ng nasabing ahensya, nasa Alert List Order ng Bureau of Immigration ang pangalan ng suspek bunsod ng iba pang asunto.
