KALABOSO ang 14 na Nigerian nationals na pinaniniwalaang bahagi ng isang sindikato sa likod ng mahabang talaan ng panloloko gamit ang makabagong teknolohiya sa tulong ng internet.
Batay sa paunang ulat ng Bureau of Immigration, sangkot sa iba’t ibang modus ng panloloko kabilang ang love scam at credit card fraud ang 14 na Nigerian national na huli sa akto habang gamit ang mga sopistikadong gadgets sa panlilinlang.
Sa isang kalatas, sinabi ni Bureau of Immigration – Intelligence Division chief Fortunato Manahan, Jr. na ikinasa ang operasyon sa lungsod ng Las Piñas matapos makatanggap ng timbre hinggil sa operasyon ng sindikatong kinabibilangan nina Godswill Nnamdi Chukwu at Justin Chimezie Obi.
Ayon kay Manahan sina Chukwu at Obi ang target pero nakalawit ang 12 iba pang naaktuhan sa lugar kung saan ginagawa di umano ang online panloloko.
“Our intelligence division has been closely monitoring these individuals. They were reportedly involved in love scams, online scamming, and credit card fraud,” ani Manahan.
Sa imbestigasyon, lumalabas na pawang overstaying na ang 14 na nasakoteng dayuhan.
Pansamantalang nakapiit ang mga banyaga sa BI Detention Facility sa loob ng Camp Bagong Diwa sa lungsod ng Taguig, habang inaasikaso ang deportation proceedings.
