NAGPAHAYAG ng pangamba ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) hinggil sa posibilidad na kumalat sa Maynila, Bulacan, Cavite at Pampanga ang langis na nagsimula nang tumagas mula sa oil tanker na lumubog kamakailan sa karagatang sakop ng Limay sa lalawigan ng Bataan.
Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), sumipa na rin ang contingency measures para hindi na kumalat ang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil na karga ng MT Terra Nova na lumubog matapos hampasin ng mga dambuhalang alon noong Huwebes, Hulyo 25.
Nanawagan din ang bantay-dagat sa sektor ng mga mangingisda na huwag muna pumalaot bunsod ng panganib na dulot ng tumagas na langis.
Sa ulat ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi niyang pinaghahandaan na rin ng PCG ang worst case scenario na umabot sa NCR partikular na sa Manila Bay ang oil spill sa baybayin ng Limay, Bataan.
Nagpahayag din ng pangamba ang mga eksperto sa anila’y napipintong “worst oil spill” sa kasaysayan ng Pilipinas bunsod ng mabilis na pagkalat ng tumagas na langis mula sa lumubog na MT Terra Nova.
Sa pagtataya ng PCG, higit sa triple ang laki ng oil slick na umabot na sa lawak na 14 kilometro kung saan libo-libong mangingisda ang umaasa pa sa kani-kanilang kabuhayan.
Sa ginawang pagsisid ng PCG personnel, natunton na ang main valve kung saan nakita ang pagtagas ng langis mula sa barkong sumadsad na sea flood na may lalim na 116 talampakan.
Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armando Balilo, target nilang ipahigop ang langis mula sa naturang barko sa para maiwasan ang nakaambang sakuna sa karagatan.
“We’re hoping that tomorrow we will be able to start siphoning the oil from the motor tanker.” ani Balilo.
Nagdeploy na din aniya ang PCG ng oil containment booms para bilang paghahanda sa “worst case scenario.”
