UNTI-UNTING pinapasok ng bansang China ang Pilipinas, ayon sa isang tanyag na maritime expert sa di umano’y paglalayag ng Chinese Coast Guard (CCG) ship sa bunganga ng Manila Bay nito lamang nakaraang Huwebes.
Ayon kay US maritime expert Ray Powell na tumatayong director ng SeaLight, isang programa ng Stanford University – Gordian Knot Center for National Security Innovation, namataan ang CCG vessel na may body number na 3301 habang naglalayag dakong alas 2:00 ng madaling araw ng Hulyo 25 sa layong 95 milya mula sa entrada ng Manila Bay.
Bagamat hindi naman aniya ito ang unang pagkakataon naglayag ang CCG vessel sa naturang lugar, naniniwala si Powell na hindi pangkaraniwan ang nasabing aktibidad.
Mula sa bunganga ng Manila Bay, umarangkada ang CCG 3301 patungo naman sa Zambales.
Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard, Hulyo 15 pa nang magsimulang maglayag sa West Philippine Sea ang CCG 3301.
Taong 2016 nang ibasura ng Permanent Court of Arbitration ang giit na nine-dash line na argumento ng China sa pag-angkin ng buong South China Sea at maging ang 200-nautical mile exclusive economic zone ng bansa na mas kilala sa tawag na West Philippine Sea.
