“ANG sagot sa ASF, ‘ASF’ din!” Ito ang mungkahi sa pamahalaan ni AGRI partylist Rep. Wilbert Lee kaugnay ng pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Para kay Lee, higit na angkop ang agarang tugon ng gobyerno, kasabay ng giit sa tatlong titik sa alpabeto – “A para sa Ayuda ng pamahalaan sa mga apektadong hog raisers, S para sa Supply ng libreng bakuna, at F para naman aniya sa Full Monitoring sa mga apektadong lugar.”
Bilang pambungad, naghain din ang Bicolano lawmaker ng House Resolution 1956 na nagtutulak ng isang malalimang imbestigasyon sa lumalawak na epekto ng ASF sa bansa, kasabay ng panawagan sa mga kinauukulan ahensya — kabilang ang Department of Agriculture (DA) at Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) – na magkaloob ng tulong sa hog raisers, pangalagaan ang kanilang kabuhayan at tiyakin ang food security.
Sa pagdalo bilang panauhing pandangal ng Summit on ‘SMART LGUs’ sa Iloilo City, binigyan-diin ni Lee ang pangangailangan ng DA na maging handa sa pinakamabigat na epekto ng naturang problema para hindi kapusin ang supply ng karneng baboy at iba pang pork products na maaaring humantong sa dagdag-presyo.
“Bukod sa ASF, isa sa magiging hamon sa supply ng karne ng baboy ang paparating na La Niña. Ngayon pa lang ay dapat puspusan na ang paghahanda ng DA para siguruhin na hindi magkaroon ng kakulangan sa karne ng baboy lalo na sa paparating na holiday season,” ayon kay Lee.
Nababahala rin si Lee sa magiging kalagayan ng local hog raisers, na aniya’y maaaring makaranas ng doble-batok dala na rin ng iba pang hamon na kinakaharap ng swine industry.
“Baka botcha na ang abutin ng kabuhayan ng mga magbababoy, lalo na ng ating mga backyard hog raisers, dahil pasakit na nga itong ASF, dagdag pasanin pa ang magiging epekto ng La Niña.”.
“Bukod sa ayuda, kailangan na ring ihanda at mabilis na mailatag ang alternative livelihood para sa kanila para may maipantustos sa pangangailangan ng pamilya,” pahabol ng partylist solon.
