Ni ESTONG REYES
PARA kay Senador Grace Poe, mas angkop na gamitin na lang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa tinaguriang “excess funds” ng ahensya bilang pambayad sa health emergency allowance sa mga healthcare workers na sumagupa sa peligro noong kasagsagan ng pandemya.
Sa pahayag, sinabi ni Poe na base sa presentasyon ni Finance Secretary Ralph Recto sa ginanap na second briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senate Finance panel, lumalago ang kita ng PhilHealth mula P4 bilyon noong 2019; P30 bilyon sa 2020; P48 bilyon sa 2021; at P79 bilyon sa 2022.
Sa pagtatapos ng 2024, ayon kay Recto, inaasahang papalo sa P61 bilyon ang kikitain ng PhilHealth.
“With its increasing net income annually, PhilHealth should now shoulder the remaining payables of the government to our health workers,” ani Poe.
“Kinukuha na natin sa PhilHealth ngayon ang dapat napunta na sa ating health workers noon pa, giit ng senador.
Pag-amin ni Recto, hindi ginamit ng state insurer ang ‘savings’ ng ahensya sa panahon ng pandemya sa kabila pa ng mandato sa kalusugan at tawag ng pagkakataon.
“It was during the pandemic as well that PhilHealth had a lot of savings because it was the national government who spent for the pandemic. We did not use resources from PhilHealth, which is essentially the reserved funds for an emergency like a pandemic,” ayon kay Recto.
Aniya, kung nagamit ang reserbang pondo ng PhilHealth, mababawasan ang halaga nang inutang ng gobyerno sa pandemya.
Rekomendasyon ng senador sa PhilHealth – pagbutihin ang benefit packages upang mahusay na magamit nito ang pondo ng miyembro.
