UMABOT sa kabuuang 329,318 examinees ang kumuha ng Career Service Examination – Pen and Paper Test (CSE-PPT) na ginanap sa 16 na rehiyon sa bansa nitong nakaraang Linggo, Agosto 11, 2024.
Ayon kay Civil Service Commission (CSC) Chairperson Karlo Nograles, ang nasabing bilang ay katumbas ng 91.82 percent ng kabuuang registered applicants kapwa para sa Professional and Subprofessional levels para sa nasa 95 testing centers.
Sa kanyang pagbisita sa pagsasagawa ng career service examination sa Davao City, nagpahayag si Chairperson Nograles ng kanyang pasasalamat sa lahat ng examinees at volunteers sa matagumpay na pagsusulit.
“This year’s second and final CSE was conducted successfully, and this achievement is primarily attributable to the cooperation of our examinees. As always, the smooth execution of the exam would not have been possible without the dedicated efforts of our volunteer teachers and government employees, whose constant support for the CSC is invaluable,” sabi pa niya.
Para sa Professional level, 296,596 indibidwal o 91.81 percent ng registered applicants, ang kumuha ng exam, habang nasa 32,722 naman o 91.89 percent ng registered applicants, ang kumuha ng Subprofessional level.
Ang pinakamaraming bilang ng examinees ay mula sa National Capital Region, na mayroong 43,476 takers. Sumunod ang Regions IV at VI na may 38,823 at 25,743 takers, ayon sa pagkakasunod.
Bumisita rin sa iba’t-ibang testing centers ang ilang CSC officials para i-monitor ang pagdaraos ng CSE-PPT at pinapurihan din nila ang tumayong volunteers sa buong bansa. Si CSC Commissioner Aileen Lourdes A. Lizada, kasama si Examination Recruitment and Placement Office (ERPO) Director III Cherry C. Berris, ay bumisita sa San Jose, Dinagat Islands Testing Center; habang si Ryan Alvin R. Acosta ay tinignan ang pagbibigay ng exam sa Cebu City.
Ang Quezon City Testing Center ay binisita ni Assistant Commissioner Ariel G. Ronquillo, habang sina CSC Assistant Commissioners Nerissa B. Canguilan at Karin Litz P. Zerna ay nagsagawa ng examination rounds sa Tuguegarao City at Bacolod City. Panghuli, si CSC Assistant Commissioner Judith A. Dongallo-Chicano ay nagtungo sa testing center sa Morong, Rizal, at si ERPO Director IV Prisco S. Rivera Jr. ay sa Dumaguete City Testing Center.
Nakatakdang ilabas ang resulta ng pagsusulit sa pamamagitan ng pag-post ng list of passers sa CSC website sa 16 October 2024.
