Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA sa isang kongresista, hindi dapat kumalat ang African Swine Fever (ASF) sa bansa – isang bantang tinutugunan naman ng Department of Agriculture.
Gayunpaman, iminungkahi ni Agri partylist Rep. Wilbert Lee na kailangan dagdagan ang border checkpoints sa mga na inilatag ng naturang ahensya para mas lalong maging epektibo ang pagkontrol sa ASF sa bansa, kasabay ng hiling na isama ng DA sa pagbabantay ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) at Philippine Ports Authority (PPA).
“Napaka-crucial ng mahigpit na pagbabantay para hindi na kumalat ang ASF na dahilan ng sobrang pagkalugi ng ating mga magbababoy. Milyon-milyon po ang nalulugi sa ating mga hog raisers, paano naman ang mga pamilya nila na dito lang inaasa ang pantustos sa pagkain at iba pang pangangailangan?” pahayag ni Lee.
“Kaya dapat dagdagan pa ng DA ang checkpoints nila para rito, lalo na may mga ulat na kumakalat na ang mga baboy palabas sa mga lugar na may ASF patungo sa ibang parte ng Luzon,” dugtong ng partylist solon.
Ani Lee, bukod sa mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), maaari ring makipag-ugnayan ang DA, sa pamamagitan ng Bureau of Animal Industry (BAI), sa PNP-HPG para tumulong sa pagsasagawa ng checkpoint sa mga pangunahing lansangan at sa PPA para magbantay sa iba’t-ibang pantalan sa bansa.
“While we laud the BAI for proactively looking into tapping MMDA and local traffic enforcers to man checkpoints in Metro Manila, all hands must be on deck to genuinely curb ASF. We have force multipliers available from the PNP, HPG and from PPA that could be deployed should the BAI decide to set up more checkpoints along major highways and ports,” giit pa ng Agri partylist lawmaker.
Sa ngayon, tanging sa mga entrada lang ng National Capital Region (NCR) may meat inspection checkpoints na naglalayong tiyakin ASF-free ang mga dinadalang baboy sa iba’t-ibang slaughterhouses at pamilihan sa Metro Manila.
Nasabat kamakailan ng BAI personnel sa isang checkpoint ang dalawang trak sa Quezon City na naglalaman umano ng ASF infected hogs mula Quezon province.
Dahil sa kawalan ng sapat na bakuna, marapat lang aniyang maglatag ng konkretong hakbang ang pamahalaan para maiwasan kumalat pa ang ASF.
“Hindi pwedeng malamya sa pagpuksa ng ASF. Dapat doble-kayod ang gobyerno dito at tapatan ng agresibong aksyon at mabilis na solusyon ang pagpigil sa pagkalat ng sakit,” giit ni Lee.
“2019 pa lang, nagkaroon na ng kaso ng ASF sa bansa. Huwag tayong maglokohan dito. Paulit-ulit na ito kaya walang excuse na di magkaroon ng komprehensibong plano para mapigilan ang pagkalat ng sakit, matulungan ang mga apektadong hog raisers, masigurong hindi magkukulang ang supply at protektahan ang mga consumers sa posibleng pagtaas ng presyo ng karne ng baboy,” pagtatapos ng mambabatas.
