ISANG buwan makaraan tumagas ang krudong karga ng lumubog na MT Terra Nova sa karagatang sakop ng Bataan, nananatili ang peligrong dala ng mga isda mula sa mga lugar na apektado ng oil spill, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ng BFAR ang mga huling isda sa Bacoor City, Cavite City, at mga bayan ng Noveleta, Rosario at Tanza sa lalawigan ng Cavite kung saan aniya kumuha ng fish samples para sa angkop na pagsusuri.
Paglilinaw ni BFAR Officer in Charge Isidro Velayo Jr. ligtas naman aniyang kainin ang isda na nahuli sa ilang lugar sa lalawigan tulad ng Naic, Ternate, Kawit at Maragondon.
Sa naunang abiso ng kawanihan, idineklara ng BFAR na ang mga isda at seafood products mula sa Metro Manila at mga lalawigan ng Bataan, Bulacan, Pampanga at Batangas ay ligtas kainin.
“Fish in an area can be declared safe for human consumption if samples analyzed have already passed three consecutive batches of sensory evaluation,” giit ni Velayo, kasabay ng ganatiya sa publiko sa patuloy na pagbabantay at pagsusuri ng BFAR sa mga lugar na apektado ng oil spill.
