SA bisa ng isang mandamiento de arresto mula sa husgado, dinakip ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang alkaldeng di umano’y utak sa likod ng pamamaslang noong 2018 sa noo’y Ako Bicol partylist Congressman Rodel Batocabe.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), arestado sa isang operasyong ikinasa ng CIDG sa bayan ng Camalig sa lalawigan ng Albay si Daraga Mayor Carlywyn Baldo.
Kasama ang kanyang abogado, dinala si Baldo sa tanggapan ng CIDG sa Albay para sa “documentation and proper disposition.”
Bago pa man dinakip ang alkalde, naglabas ng warrant of arrest ang isang regional trial court sa Metro Manila laban kay Baldo at apat na iba pang suspek kaugnay ng kasong murder (two counts).
Disyembre 2018 nang barilin si Batocabe habang namamamagi ng mga regalo sa Daraga.
Una nang dinakip ng pulisya si Baldo bunsod ng nasabing insidente. Gayunpaman, kinatigan ng korte noong Setyembre 2019 ang petition to post bail na inihain sa husgado.
