SA kabila ng pagkakadakip ni dating Bamban Mayor Alice Guo sa Indonesia, nanindigan si Justice Secretary na may taga-Bureau of Immigration (BI) na tumulong sa pagtakas ng sinibak na alkalde palabas ng bansa.
“Isang masasabi ko diyan, nagpupuslit papasok… ang Pastillas Gang, at pagpupuslit din sila palabas. Kaya alam natin meron talagang gumagawa nun sa Immigration,” wika ni Remulla sa isang pulong-balitaan.
Hindi rin umano siya naniniwala sa sinabi ni Shiela Guo sa Senado na nagpasalin-salin ang magkakapatid na Guo sa tatlong bangka para makarating sa Sabah, Malaysia noong Hulyo 18.
“Hindi pa rin ako naniniwala na nagbanca sila at saka nagbarko. Ano natutulog sila sa lambat? Nakahilata sila doon buong araw, tatlong araw, apat na araw? Hindi kapani-paniwala,” ani Remulla.
“Maraming pirata diyan sa South China Sea. Ang mga fishing vessel kapag bumiyahe yan, convoy yan. Hindi nag-iisang bumiyahe kasi they protect each other. Meron silang defense formations. Nagdadala sila ng weapons. Isang fishing vessel lang babiyahe ng Zambales hanggang Sabah? Para namang Superman yun,” patutsada pa ng Kalihim.
Pag-amin ng DOJ chief, matagal na niyang hindi kinakausap si Immigration Commissioner Norman Tansingco. Ang dahilan – itinago sa kanyang kaalaman ang pagtakas ni Guo.
“Hindi niya naman ako sinabihan agad. Marahil alam niya nang matagal yan bago ko nalaman. Kaya hindi na kami nag-uusap. Hindi tama yung ganung klase ng asal, na hindi mo ipaalam sa DOJ secretary ang nangyayari sa opisina mo,” diin ni Remulla.
Ibinahagi rin ng Kalihim ang pangangalap ng patunay sa koneksyon ng BI sa pagtakas ni Alice Guo. Kabilang aniya sa mga isinasagawa ng kagawaran ang pagsusuri sa record ng Civil Aviation Authority of the Philippines, pati mga record ng paglipad ng mga eroplano at chartered flight.
Nagbabala naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kung sinumang taga-gobyerno ang tumulong kay Guo para makalabas ng Pilipinas, hindi lang ito tatanggalin sa trabaho, kakasuhan pa.
“All of those who are implicated in assisting Alice Guo to leave the Philippines illegally as a fugitive from justice will certainly pay the price,” diin ni Marcos sa isang panayam.
“Ang tanong n’yo, sino sisibakin? Hindi lang namin sila sisibakin, kakasuhan pa namin sila dahil ang kanil-ang ginawa ay labag sa batas at against all of the interests of the Philippine judicial system,” dugtong pa ng pangulo.
