HINDI magiging madali ang pinananabikang pagbabalik sa Pilipinas ni dating Bamban Mayor Alice Guo na dinakip kahapon ng Indonesian Police sa inuupahan unit sa Tangerang City.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, nais ng Indonesia makipagpalitan ng huli — Alice Guo kapalit ng isang Australian national na nagngangalang Gregor Johann Haas na wanted sa naturang bansa bunsod ng mahabang talaan ng mga kasong kriminal.
Batay aniya sa impormasyon ng International Police Organization (Interpol), isang drug kingpin si Haas na kasalukuyang nakapiit sa Cebu matapos matimbog sa isinagawang international manhunt operation noong nakalipas na Mayo.
Gayunpaman, iba ang paniwala ng Bureau of Immigration (BI).
“We are anticipating that… we will be expecting this po siguro within the week,” wika ni Dana Sandocal na tumatayong tagapagsalita ng kawanihan.
Samantala, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi ipagkakait kay Guo ang karapatan sa ilalim ng umiiral na batas, kasabay ng pangako para sa mabilis na paglilitis sa sandamakmak na kasong isinampa ng gobyerno.
“But we will not allow this to prolong the resolution of the case, whose outcome will be a victory for the Filipino people,” aniya.
“I congratulate all law enforcement personnel who made this apprehension possible” sabi ni Marcos. “The public may not know the intricate details of this mission that you have successfully accomplished, but on their behalf, accept my thanks.”
Buwan ng Hulyo ng sibakin sa pwesto bilang alkalde ng Bamban, Tarlac ang 33-anyos na si Guo na nahaharap sa patong-patong na asunto kabilang ang pagkakasangkot sa illegal POGO operation hindi kalayuan sa kanyang tanggapan sa munisipyo.
Bukod sa koneksyon sa illegal POGO, nahaharap din ang sinibak na mayor sa kasong human trafficking, tax evasion, at money laundering.
