TALIWAS sa pahayag ng Department of Justice (DOJ) hinggil sa mahabang proseso para maibalik sa Pilipinas si former Bamban Mayor Alice Guo, nakatakdang dumating ngayong araw ang sinibak na alkalde.
Ayon kay Senador Raffy Tulfo, darating sa Pilipinas mula Jakarta, Indonesia ang Chinese national na si Guo Guo Hua Ping – alyas Alice Leal Guo.
Katunayan aniya, darating si Guo sa Maynila sakay ng chartered flight RP-C6188 dakong alas 6:00 ng hapon ngayong araw kasama sina Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos at Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Marbil.
Bitbit din umano ni Abalos ang mandamiento de arresto na inilabas ng Snado laban kay Guo.
Miyerkules ng madaling araw nang dakpin si Guo sa loob mismo ng inuupahang unit sa Tangerang City, Jakarta, Indonesia.
Buwan ng Hulyo ng sibakin sa pwesto bilang alkalde ng Bamban, Tarlac ang 33-anyos na si Guo na nahaharap sa patong-patong na asunto kabilang ang pagkakasangkot sa illegal POGO operation hindi kalayuan sa kanyang tanggapan sa munisipyo.
Bukod sa koneksyon sa illegal POGO, nahaharap din ang sinibak na mayor sa kasong human trafficking, tax evasion, at money laundering.
