KALABOSO ang kinahantungan ng 17 dayuhan matapos salakayin ng mga operatiba ng Cybercrime Division sa ilalim ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang gusaling sentro ng operasyon ng sindikato sa likod ng scam hub.
Sa ulat ng NBI, dakong alas 11:00 ng gabi nang pasukin ang gusali sa Barangay Tejeros matapos makatanggap ng timbre sa di umano’y scam hub na pinangangasiwaan ng hindi tinukoy na Chinese national.
Pagpasok sa loob ng target na gusali, tumambad ang 15 ay Chinese nationals, isang Taiwanese at isang Malaysian national.
Sa pagsusuri ng NBI, lumalabas na pasok sa investment at cryptocurrency scam ang naturang sindikato.
Na-rekober sa operasyon ang mga computer, cellphone, SIM card, at mga script na ginagamit sa panloloko.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon.
