Ni LILY REYES
PINAYUHAN ni reelectionist Quezon City 5th district councilor at aktres na si Aiko Melendez ang mga kapwa artistang pumasok na rin sa pulitika at naghain ng kandidatura para sa 2025 midterm elections.
Sa Facebook post ni Melendez, pinaalalahanan niya ang mga kapwa artistang sasabak sa pulitika na alamin mabuti ang kanilang pinapasok dahil buhay at kinabukasan ng mga mamamayan ang nakasalalay sakaling sila ay maluklok sa pwesto.
Nitong Lunes ng hapon, naghain na ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) si Melendez na incumbent councilor ng ika-5 distrito ng lungsod.
Kaugnay nito, dalawa naman ang magiging katunggali sa pagka-alkalde sa Quezon City ni incumbent Mayor Joy Belmonte.
Ang mga ito ay ang 63-anyos na si Diosdado Velasco, construction supervisor at ang dating mamamahayag na si Roland Jota.
Sa panayam kay Velasco, dadagdagan umano niya ng 500 ang 142 mga barangay sa lungsod para matutukan umano ang malaking bilang ng mga residente sa pinakamalaking siyudad sa Metro Manila
Isang taxi driver na dating konsehal ng barangay sa District 5 na si Dante Villarta ang naghain naman ng COC para sa pagka-bise alkalde kung saan makakalaban niya si incumbent Vice Mayor Gian Sotto.
